"Kropek Effect"

Minsan nagtataka tayo kung baket kahit tuloy-tuloy naman ang pagkilos natin, parang konti sa mga plano natin ang natutupad, kaya parang nawawalan na tayo ng gana ituloy. May mga pagkakataon kasi na kaya lang natin ginagawa ang isang bagay, dahil dinidikta ng utak na kailangan gawin agad. Oo, importante ang pagkilos ng mabilis, pero kung kakalimutan ang pagpapahinga, nasasayang ang pagkilos dahil hindi umaabot sa mataas na kalidad ang resulta pag wala na tayong gana sa ginagawa natin. Minsan, hindi na nakasalalay sa dami ng ginagawa natin ang mabilis na katuparan ng isang plano, kundi nasa kalibre ng effort na binubuhos natin sa pag-gawa nito.

May mga oras naman na sa simula, enjoy tayo sa pag-gawa, tapos titigil tayo dahil akala natin pagod na tayo, pero sa totoo, bored lang tayo dahil paulit-ulit ang ginagawa natin. Nakakatuwang isipin na ang kalibre ng effort na ginagamit natin sa pagkilos, ay nakasalalay minsan sa quality ng pasundot-sundot na pagre-relax na nakukuha natin. Hindi din sapat na nagpapahinga nga ang katawan mo, pero nasa gawain parin ang utak mo. Kailangan din nating ma-miss yung mga bagay na yon para pag nagsimula na ulit tayong kumilos may fresh na approach na naman tayo. Kaya wag kalimutan isingit ang pag-aaliw paminsan-minsan. Parang pagkain lang yan ng kropek. Pag tuloy-tuloy mong kinain, mauumay ka, at mawawalan ng gana. Pero pag nakatikim ka ng konting lagok ng beer, may gana ka na namang kumain.