MMK (Maalaala Mo Kuya) episode 17

Dear Kuya Chico,

Itago mo na lang ako sa pangalang Jimmy. 23 years old ako at isang photographer. Kadalasang kinikuha ako para sa mga kasal, birthday, fiesta, binyag, at kung ano-ano pang okasyon na kailangan ng photographer para magmukang sosyal. Dahil sa trabaho ko, nakilala ko ang napaka ganda na si Judy. 23 years old din si Judy at nagtatrabaho bilang taga-repack ng toothpick. Nangailangan ng photographer ang pamilya nila para sa tuli ng bunsong kapatid ni Judy. Hindi ako sigurado nung una kung tatanggapin ko ang trabaho dahil hindi naman normal na may photographer pag may tinutuli. Tatanggihan ko na sana ang tatay ni Judy noon, pero nung napasulyap ako sa kotche nila at nasilayan ko si Judy, tinanggap ko na ang trabaho para lang mapalapit sa kanya. Mapalapit kay Judy Kuya Chico, hindi sa tatay nya. Kinabukasan, maaga akong dumating sa hospital kung saan gagawin ang pagtuli. Sinalubong ako ni Judy at nakipagkwentuhan sya sa akin habang hinihintay namin ang pagbabalat na magaganap. Maligalig na babae si Judy. Madaling pakisamahan at madaldal sya kaya mabilis nawala ang kaba ko sa pakikipag-usap sa kanya. Dahil sa sarap ng usapan namin, nawala na din ang pagkailang ko sa gagawin kong pag-picture sa tuli ng bunso nyang kapatid. Naisip ko na hindi naman ako dapat mailang dahil natural naman na pangyayare ang tuli. At dapat pa nga ay matuwa ako dahil magiging parte ako ng importanteng ritwal sa buhay ng isang papasok sa pagkabinata. Pero ang mga susunod na pangyayare ay hindi ko inaasahan. Pagpasok sa kwarto ng bunsong kapatid ni Judy, dun ko nalaman na isang taon lang pala ang agwat nila. 22 years old na ang kapatid ni Judy. Oo Kuya Chico, bird ng bente-dos anyos ang kukunan ko ng picture. Bente-dos Kuya Chico, two-two, BENTE... DOS. Wala na akong nagawa dahil ayaw kong magalit si Judy. Hindi ko rin naman pwedeng ibalik ang bayad ng tatay ni Judy dahil napambili ko na ng Christmas plant na balak kong palakihin para may Christmas tree ako sa pasko.

Bago simulan ang pagtuli, gusto ng tatay ni Judy na kunan ko ng picture yung tutoy ng kapatid ni Judy para sa before and after shots daw. Mabilis naman natapos ang pagkuha ko ng pictures dahil photogenic naman yung tutoy ng kapatid ni Judy. Habang tinutuli ang kapatid ni Judy, lumabas muna kami at nagkwentuhan ulit. Nalaman ko na marami pala kaming common interest ni Judy. Umiinom din sya pag nauuhaw, at natutulog pag inaantok. Napansin ko din na pareho kaming kumukurap, minsan sabay pa. Dun ko naisip na si Judy ang soul mate ko. Sobrang saya ko nung mga sandaling yon. Naputol lang ang tuwa ko nung sabihin ng tatay ni Judy na kunan ko na daw ulit ng picture yung tutoy ng anak nya. Bago ako pumasok sa kwarto, pinabaunan pa ako ni Judy ng ngiti, sabay sabi ng "Enjoy." At napabulong na lang ako sa sarili ko ng "Enjoy? Gago ka ba?". Naging kalmado naman ang utak ko dahil naisip ko na konting tiis na lang at matatapos na ang kalokohan na yon. Nagulo lang ulit ang kalmado kong utak nung sabihin ng tatay ni Judy na gusto nya ng close up shot nung tutoy dahil ipapa-frame daw nya. Hindi ko alam kung anong gagawin ko nung mga panahon na yon. Hindi naman mahirap kumuha ng close up shot kuya Chico, kaso sira ang zoom ng camera ko. Kailangan kong sobrang ilapit ang muka ko sa tutoy ng kapatid ni Judy para makunan yon ng close up. Alam kong pag hindi ko ginawa yon, magagalit ang tatay ni Judy at masisira ang pag-asa ko na maligawan at mapasagot si Judy. Anong gagawin ko kuya Chico? Nagpanggap ako na kailangan ko munang i-charge yung camera, para makasulat ako sayo. Sinabi ko na medyo matagal ang kailangan na oras para ma-charge yon. Sana ay mapayuhan mo ako agad dahil nangangamatis na ang tutoy ng kapatid ni Judy, at mukang hindi na sila naniniwala na 4 days ang charging time ng camera ko.

Lubos na gumagalang,
Jimmy

Title: "Zoom"