Binyag ng Bagyo

Tuwing may bagyo sa Pilipinas, madami ang nagiging biktima ng kakulangan sa paghahanda. Pero sino ba ang may kasalanan? Tayo bang mga mamamayan dahil tamad tayo maging ready ALL THE TIME? Hinde, dahil sa loob ng isang taon mga 20 hanggang 25 lang na bagyo ang dumadalaw sa Pilipinas. Stressful naman kung araw-araw mong poproblemahin kung babagyo ba. Ang paranoid naman ng dating kung every year 365 days ka magiging laging handa. Aba 'e tinalo mo pa ang boy scout. So kasalanan ba ng media dahil kulang sila sa pagbibigay ng warning? Hindi rin. Kung mapapansin mo, sobrang excited ng media pag may typhoon na dadating dahil easy story yan. Laman pahina agad sa dyaryo. Pangpuno agad yan sa air time ng news on TV. Instant celebrity ang mga bagyo pag pumasok sila sa Pilipinas, kaya hindi natin pwedeng sabihin na nagkukulang ang media sa pagbibigay ng awareness. So kasalanan ba ng PAGASA? Oo, nagkukulang sa paghahanda ang mga Pilipino tuwing may typhoon dahil sa binibigay na pangalan ng PAGASA sa mga bagyo.

Pano mo seseryosohin ang bagyo kung ang pangalan nya "Tisoy"? Sinong matatakot kay typhoon "Jolina"?
Nung dumating si bagyong "Pepeng" at nagdulot ng malawakang damage na nagkakahalaga ng 27.3 billion pesos, nabwisit lang ang mga tao sa "mabasang Pepeng malaki". Mag-aalala ka ba sa bagyong "Egay"? Si "Ondoy", iisipin mo bang siga yung bagyong yon? May bagyong "Zeny" pa na katatakutan mo lang kung takot ka sa mga tita.

Eto pa ang ilan sa mga bagyong bininyagan ng PAGASA:

"Inaasahang wawalisin ng malakas na hangin ang tapat ng mga bahay sa metro manila. Malalabahan ng malalim na baha ang mga bahay sa may Sampaloc area. Mauuna ang mga puting bahay bago ang de-kolor. Siguraduhing subaybayan ang pagkilos ni bagyong Inday, may posibilidad na gapangin sya ni mister."

Nakaalis na ng Pilipinas si bagyong Hannah, ngunit nandyan parin ang panganib na bumalik ito.
Napag-alaman na si bagyong Hannah at bagyong Miley ay iisa.

Ayon sa PAGASA, nakita na si bagyong Waldo.

Nasa signal number 1 pa lang, pero siguraduhin maghanda para sa mas masamang sumpong ng panahon. Inaasahang makakaistorbo ng tulog ang mga kulog na dala ni bagyong Butchoy. Pinapayuhan ang mga mamamayan na wag mang-gigil at wag masyadong pansinin ang panahon dahil baka mausog.

Sa dami ng pwedeng gamitin na pangalan, baket hindi na lang yung mga nakaka-alarma para mas maramdaman ng mga tao ang threat. Tulad ng bagyong "Manyak" o kaya bagyong "Adik". O kaya mga bruskong pangalan para katakutan talaga, gaya ng bagyong "Totoy Diablo", bagyong "Nardong Timbog", bagyong "Boy Taga", bagyong "Bertong Latigo". Kung gusto naman nilang mag-evacuate ang mga tao, bigyan nila ng pangalan na iiwasan ng lahat. Tulad ng bagyong "Kulangot", bagyong "Sore Eyes", o kaya bagyong "Flying Ipis". Kung emergency at mabilisan na evacuation ang kailangan, gamitan nila ng pangalan na siguradong magtatakbuhan palayo ang lahat, tulad ng bagyong "Utang".