Noon, elementary ka pa lang nanonood ka na ng PBA. Ngayon kung hindi ka tricycle driver na may TV sa terminal nyo, hindi ka manonood ng PBA. Batang lalake, batang babae, teenagers, sosyal, barumbado, mga tambay, professionals; Lahat yan nanonood ng PBA noon. Ngayon, may mga konti parin na natitira, pero kadalasan inaabangan na lang kung panalo o talo sila sa "odds" (pustahan). Nawala ang interest ng mga tao sa professional basketball sa Pilipinas dahil sa iba't-ibang dahilan.
Nawala ang interest ng MGA BATA sa PBA dahil pinagbawal ang pagtatayo ng basketball court sa karamihan ng kalsada. Kung sa school ka lang nakakalaro, masyadong limitado ang oras. Tuwing lunch time or uwian ka lang may chance. Tapos agawan pa sa court dahil madaming studyante. Noon, basta lumabas ka ng bahay may half court sa kalye nyo. Kahit abutin ka ng gabi sa kakahintay, siguradong makakalaro ka, kahit isang game lang. May point naman kung baket pinagbawal ang pagtatayo ng basketball court sa kalsada. Delikado nga naman. Tapos minsan naman, nakatira sa katapat na bahay kung saan nakatayo yung ring, nagrereklamo ng ingay at dami ng tambay sa labas ng bahay nila kaya inaalis ng baranggay yung ring. 'E kung bihira ka nga naman makapaglaro ng basketball, malabo nga namang magka-interest ka sa PBA.
Nawala ang interest ng MGA BATA sa PBA dahil puro internet at computer games na ang uso ngayon. Noon kahit may mga game console ka sa bahay, pang 2 players lang. Kaya kung gusto mong makasama ang mga kaibigan mo, lalabas ka at maglalaro. Minsan bibisita kayo sa bahay ng isa't-isa para mag-computer, pero pag hindi na mainit sa labas, laro na naman kayo sa labas. Noon, pag lumabas ka ng bahay, imposibleng hindi ka ma-expose sa basketball. Nung nauso ang online games at internet, nagkaron ng paraan ang mga bata para makalaro (kahit sabay-sabay) yung mga kaibigan nila kahit nasa kanya-kanyang bahay lang sila. Puro comuter na nga, tapos pag lumabas ka wala pang basketball court, hindi ka talaga mahihilig sa basketball. Hindi ka talaga manonood ng PBA.

Nawala ang interest ng mga TEENAGERS sa PBA dahil konti na lang ang "heartthrob" sa PBA. Pag "pogi" ka sa PBA, fans mo na yung mga lalakeng gustong maging ikaw, at mga kolehiyalang malandi. Pag "boy next door" ang dating mo, panonoorin ka na sa PBA kahit talo lagi ang team nyo. Parang sa "Azkals" lang yan. Kung panget yung mga football players na yon, sa tingin mo ba ganyan ang suporta ng mga tao sa kanila? So sa PBA ganun din. Kaya komonti ang teenager fans sa PBA dahil puro mukang Spartan na ang mga players. Yung iba mukang Spartan warrior na gwaping sana kaso nagpapatubo ng isang damakmak na balbas para magmukang intimidating. Yung iba naman, Spartan ang dating dahil mukang tsinelas. Mas marami pang nanonood ng UAAP kesa PBA dahil mas nakaka-relate ang mga teenagers sa player kung babay face sila. Hindi ibig sabihin na kailangan gwaping ka para maging basketball player ka. Pinupunto lang dyan kung baket nawala ang appeal ng PBA sa mga balidoso at malanding teenagers.
Nawala ang interest ng mga SOSYAL sa PBA dahil naging mas available na ang NBA games sa Pilipinas. Feeling nila pag NBA ang pinapanood nila, international ang kasosyalan nila. Noon, kung gusto mong manood ng basketball, dahil walang NBA masyado sa TV, PBA talaga ang susubaybayan mo. 'E ngayon na ang daming cable sports channel, sa NBA na sila.
Nawala ang interest ng MASA sa PBA dahil nagpakasosyal ang PBA. Ngayon na lang ulit binalik ng PBA ang Filipino (Tagalog) commentating nila. May ilang taon na ginawa nilang English ang salita ng mga commentators. Pano mo naman sasabihin sa english ang "Patay ang butiki!", The lizard is dead? 'E yung "Kumain sa pansitan.", o kaya "Tirang alahoy"? Pano gaganahan ang masa manood ng PBA kung hindi sila hyped sa commentating dahil hindi sila maka-relate o hindi nila maintindihan? Kung english nga din naman ang PBA, aba edi sa NBA na lang sila. Dahil mas athletic ang mga players na mapapanood nila at may illegal cable connections naman sila.
Nawala ang interest ng mga FILIPINO sa PBA dahil masyadong mabilis ang lipatan ng players sa iba-ibang team. Noon pag franchise player ka, malaking possibility na kung saan ka naging rookie, malamang dun sa team na yon ka magreretiro. Pero dahil ang daming teams na sister companies ang bawat isa, kung sino ang kailangan ng isang team para lumakas at maging contender sila, iti-trade sa kanila ng "sister company/team" nila. Noon, kung fan ka halimbawa ng isang player, fan ka din nung team. At nagiging fan ka na din nung mga team mates nung idol mo. 'E kung palipat-lipat sya, pano ka mapapamahal sa isang team? Isang dahilan din kung baket medyo nawalan ng gana yung mga dating avid fans ng PBA ay dahil sa mga "imports". Parte na ng PBA ang "reinforced conferences" every year. Pero noon kasi, mas kailangan yon para maging mas "showtime" ang laro. Sa panahon ngayon na marami nang dumadakdak na Filipino o Fil-Am players, at mas mabilis, mas acrobatic, at mas hyper na ang new breed of players, hindi na siguro kailangn ng imports. Ang nangyayare kasi, biglang nababago ang ayos kung sino ang lyamado at dehado. Biglang gumagaling ang isang team dahil lang sa ginagawa ng isang import. Wag na tayong magpanggap. Oo, team effort ang basketball, kaso minsan, halata naman na yung import nung nag-champion na team ang, mukang kahit saang PBA team mo ilagay, yun ang magcha-champion. Pano ka gaganahan manood ng Philippine Basketball Association kung hindi Filipino ang mga pinaka nagdidikta ng resulta ng games?